Isang pribilehiyo ang makapag-aral sa La Real Academia De La Isla, an exclusive International Spanish school kung saan nag-aaral ang mga dugong bughaw, mga anak ng mga politiko at mayayamang negosyante, at mga matataas ang antas sa lipunan.
Pero para kay Yumi ay isang sintensya ang pagpasok sa paaralan araw-araw. Dahil alam niyang kahit kabilang siya sa kagalang-galang na angkan ng Rajah Sulayman, isa siyang salot sa lipunan para sa iba dahil anak siya ni Dionisio Gatmaitan.
Hindi lingid sa kaalaman ni Yumi na nakatingin sa kanila ang mga estudyante habang naglalakad sila ni Isagani sa pasilyo. Iba’t-ibang reaksyon ang nakikita niya sa mga ito. Ilan sa mga kababaihan ang napasulyap at humanga sa kanilang magkapatid. Lalo na kay Isagani na makatawag pansin dahil bukod sa magandang tindig ay perfect example ito ng tall, dark and handsome. Ang iba ay nag-iwas ng tingin na tila takot sa kanila at ang iba naman ay hindi itinago ang pagkamuhi.
Napadaan sila sa grupo ng mga estudyante nang bigla na lang naramdaman ni Yumi na may pumatid sa kanya. Nawalan siya ng balanse at sumadsad sa lupa.
Narinig niyang malakas na tawanan pero tila blangko ang kanyang isip. Naramdaman na lang niya nang alalayan siyang makatayo ni Isagani.
Marahas siyang napabuntong-hininga at pinagpag ang nadumihang palda.
Isagani didn’t take it lightly. Walang babala itong sumugod sa kumpol ng mga estudyante na nakatambay malapit sa kanila.
“Sino’ng pumatid sa kapatid ko?” galit na tanong ni Isagani.
Tumahimik ang paligid.
Sinubukan niyang hilahin palayo si Isagani ngunit hindi ito nagpapigil.
“Ako,” sagot ng isang binatilyo na may maangas na tindig. Si Kidlat, anak ng may-ari ng pinakamatagumpay na local hotel chain.
Galit na hinablot ni Isagani ang kwelyo nito.
“Humingi ka ng tawad sa kapatid ko,” utos ni Isagani.
Ngumisi ito, “Bakit ako hihingi ng tawad? Hindi ba dapat kayo ang humingi ng tawad sa mga biktima ng ama at lolo mo? Ninakaw niyo ang bayan mula sa mga tunay na dugong bughaw. Ito ang tandaan niyo, kahit kailan ay hindi namin kikilalanin ang pamumuno ng ama mo!”
Lalong humigpit ang pagkakasakal ni Isagani kay Kidlat, “Tama ka. Kami ang pinuno ngayon. Kilalanin mo man o hindi. Wala kang magagawa kung hindi galangin kami at sumunod.”
Marahas na binitawan ni Isagani si Kidlat at napaupo ito sa damuhan. Pagkatapos ay hinarap nito ang iba pa.
“Isipin niyo yan sa susunod na alispustahin niyo ang kapatid ko. Dahil hindi ako magdadalawang-isip na ubusin ang lahi niyo.”
Nakita ni Yumi ang takot sa mga mata ng mga nasa paligid nila lalo na ni Kidlat na halatang gustong magsisi sa mga nasabi.
Alam niyang hindi masamang tao si Isagani. Napuno na rin siguro sa pagtrato sa kanila ng mga estudyante sa La Real lalo na ni Kidlat.
Hindi sila nagsusumbong dahil ayaw nilang makarating pa sa ama ang mga nangyayari sa paaralan. Siguradong may kalalagyan ang mga nang-aapi sa kanila. Ngunit lalong sasama ang reputasyon ng pamilya Gatmaitan.
Inaya na siya ni Isagani. Bago umalis ay nakita pa ni Yumi ang mukha ng mga tao sa paligid. Isang tao ang hindi niya inaasahan na makakasaksi sa pangyayari.
Blangko ang ekspresyon nito habang nakatingin sa kanya.
Agad siyang nagbawi ng tingin at naglakad palayo.
“Yumi!”
Masaya siyang nilapitan ng mga kaibigan pagdating sa classroom. Mayroon pa rin namang ilan na piniling kilalanin siya at huwag husgahan base sa kasalanan ng kanyang pamilya.
“Anong nangyari sa’yo?” tanong ni Amihan nang makitang medyo madumi ang kanyang palda.
“Wala ito,” paiwas niyang sagot.
Inilabas ni Nita ang kanyang wet tissue box at marahan nitong pinunasan ang maduming parte ng palda.
“Salamat,” nakangiting sabi ni Yumi kay Nita.
May sasabihin pa sana siya nang may bumangga sa likod niya. Mabuti na lang naitungkod niya ang mga braso sa mesa.
“Ano ba ‘yan?” mataray na tanong nito.
“Ang lampa! Tapos magsusumbong sa kuya kahit siya naman may kasalanan.”
Nagtagis ang mga bagang ni Yumi sa narinig pero pinigilan niya ang sarili na sabunutan ang bagong dating. Hinarap niya at sarkastikong ngumiti.
“Ano bang problema mo, Ligaya? Pakiramdam ko hindi naman ang ama ko ang dahilan kaya ka galit sa’kin. Dahil ba hindi ka pinapansin ni Rael?”
Halatang nagulat si Ligaya sa sinabi niya. Pinamulahan ito ng mukha at inis na inis nang makabawi.
“Huwag ka ngang gumagawa ng kwento, Yumi. Iyan ang hirap sa’yo, ignorante ka sa paghihirap ng taumbayan-“
“Paghihirap ba talaga ng taumbayan o ng damdamin mo?” tudyo pa ni Yumi.
“How ironic na Ligaya pangalan mo pero hindi ka masaya.”
Napuno ng hiyawan ang paligid.
“Napakataas ng tingin mo sa sarili mo, Yumi kahit umaalingasaw ang baho ng pamilya mo,” gigil na bulyaw nito.
“Tandaan mong hindi habangbuhay kayo ang nasa ibabaw.”
“Gusto mo bang makadate si Rael?” tanong ni Yumi.
Lumapit siya sa binatilyong tahimik lang na nanonood sa komosyon.
“Gusto mo bang maka-date si Ligaya, Rael?” nang-aasar na tanong ni Yumi kay Rael.
Saglit itong tumitig sa kanya na tila tinitimbang kung seryoso siya at pagkatapos ay umiling.
Muling napuno ng hiyawan ang silid-aralan.
“Ikaw ang gusto kong ayaing lumabas,” seryosong pagtatapat ni Rael.
Siya naman ang natigilan.
“Pwede ba, Yumi?”
Bago pa makasagot so Yumi ay dumating na ang kanilang guro.
Hindi makapaniwala si Yumi na maglalakas loob si Rael na ayain siyang lumabas sa harap pa mismo ng mga kaklase.
Hindi naman lingid sa kaalaman niya na may gusto ito sa kanya dahil madalas itong nahuhuli nila Amihan na nakatingin sa kanya. Pero wala itong lakas ng loob lumapit. Bukod kasi sa mahiyain ang binatilyo ay iniiwasan din siya ng karamihan. Buong araw tuloy siyang hindi makatingin dito at kahit ito ay biglang nag-iiwas ng tingin kapag nagtatama ang mga mata nila nang hindi sinasadya.
Aminado naman siyang gusto niya rin si Rael pero hindi niya alam kung ano ba ang kahihinatnan ng pagtingin niya rito. Bukod sa alam niyang tututol ang pamilya nila, ayaw niyang madamay ito o ang kahit na sinong lalaki sa gulo ng buhay niya. Isa pa, alam naman niyang balang-araw ay ipapakasal siya ng ama sa iba katulad ng nangyari rito.
Hinihiling niya na sana ay magkaroon siya ng lakas ng loob na makalayo sa Bagumbayan bago pa mangyari iyon. Malayo sa anino ng ama at ng mga alipores nito.

Leave a Reply